Martes, Agosto 20, 2013

Sa totoo lang...

Salamat naman at lumalabas na ng bansa si bagyong Maring na nagpahirap sa maraming kababayan natin. Hindi na ako magsasalita tungkol dito at alam naman natin kung gaano na karaming tao ang nagsulat tungkol dito at nagbahagi ng mga nakakalungkot na larawan at kwento sa mga social networks.

Ang post ko na ito ay hindi tungkol sa bagyong dumating kundi sa magandang pangyayari na dumating sa akin nitong buong linggo.

Nakasama kita sa napaka ikling panahon, magaan ang loob ko sa'yo kahit hindi pa kita lubusang kilala. Alam kong may mga sitwasyon kang pinagdadaanan at ganun din naman ako, mas malala lang siguro yung sa akin, isama mo narin dun yung dahilan na mas matanda ako sayo.

Kaya mong unawain ang mga sinasabi ko, nagugulat nalang ako minsan kasi mature ang pagiisip mo. Natutuwa ako sa mga ibinabahagi mo tungkol sa'yo, May pagka wirdo ka at mas malala naman ako, mahiyain ka at ako naman ang kabaligtaran mo, nadadala pa ako lalo habang nakatitig sa mga mata mo.

Hindi ko matantya kung ano ang nararamdaman ko pero nung nakasama kita nabatid ko kung ano ito. Humahanga ako sa'yo, hindi ko inaasahan na sa pagiging malakas ko ay ipinakita mo sa akin kung ano ang kahinaan ko.

Maraming tanong at komplikasyon kung dudugtungan ko pa ito pero malaki ang pasasalamat ko dahil napagtanto ko, na kaya ko pa palang makaramdam nito. Pinipigilan ko, para narin sa ikabubuti mo, nililimitahan ko para narin sa kapakanan ko.

Ang tanging hangad ko lamang ay ang kaligayahan mo at kalimutan ang nakaraan na nagpapahirap sa iyo. pilitin mong mas maka usad at gawin ang gusto mo, nang sa gayon ay mas makilala mong muli ang sarili mo.

Maging matatag ka at asahan na nandito lang ako para sumuporta sa iyo. Nagawa mong pahintuin ang mundo ko sa loob lamang ng isang linggo, paano pa kaya sa mga taong mas malalapit sayo.

At kung bakit ko isinulat 'to? ayaw ko lang sigurong makalimutan yung espesyal na pakiramdam na naibahagi mo. Gusto pa sana kitang mas makilala, masyado parin namang maaga. Sa totoo lang...

Martes, Agosto 6, 2013

Kapit lang...

Isang buwan mahigit na pala bago ko naalala na may Blog nga pala ako.. hehehe.. marami lang siguro akong inisip at inasikaso nitong nakaraang buwan. Minsan may ugali talaga akong ganun, na kapag nabaling ang atensyon sa isang pagkaka-abalahan e malimit na nagagawa ko ito ng dire-diretso ngunit kapag nabaling na-naman ulit sa iba ay nakakaligtaan ko na ulit balikan yung mas nauna. At dahil nga naalala ko ito, ako ay maglalahad muli ng panibagong kwento o pahayag man lamang kahit papaano..

Ako ay isang simpleng tao, madaling lumigaya at makuntento sa mga bagay na pinapahalagahan ko, minsan nakakagawa rin ako ng mga desisyon na hindi masyado pinag-iisipan at nauuwi sa hindi magandang resulta. Magulo ang utak ko nitong nakaraang buwan dala narin siguro ng labis na pag iisip sa mga importanteng bagay at mga sitwasyon na hindi madaling iwasan, malimit ko itong hanapan ng lunas, tamang desisyon at kasagutan na unti unti rin namang nalalagpasan. Ang mga bagay na ito ay nangyayari rin sa iba ngunit napapabayaan na mismo ang sarili dahil sa kawalan ng pagasa na madalas mauwi sa pagsuko.

Sa araw na ito, sikapin nating maging mas matatag, sumubok ng mga bagong bagay, kaalaman at libangan para makabangon muli at humarap sa mga hamon ng buhay. Lahat ng bagay ay may solusyon, maaaring madaling sabihin pero mas mabuti pang sumugal kesa walang natututunan sa mga kamaliang napagdaanan.

Ang mensaheng ito ay iniaalay ko sa mga kaibigan na pinanghihinaan ng loob ng dahil sa bigat ng iniisip at problemang dinadala. Tandaan parin natin na minsan lang tayo mabubuhay kaya bigyan natin ito ng magandang kabuluhan at kahulugan. Makaka ahon din tayo kaibigan, basta't Kapit lang. ^_^