Biyernes, Setyembre 16, 2016

Ang ikalawang pagkatao

Tahimik ang gabi, wala akong ganang makipag usap sa mga taong nakapaligid sa akin. Ang kaligayahang inakala ko at pinaniniwalaang mapapalago ay tuluyan ko ng isinuko. Alam kong dapat binigyan ko ng pagkakataon at nilaanan ng oras para tanggapin at dibdibin ngunit batid ko na mula sa kaloob looban ng aking pagkatao ay hindi ko ito magagampanan. Hindi ako naging patas sinabi ko na ang pakiramdam na ito ay matagal ko ng inaasam para sa sarili ko, pero nagkamali ako. Walang sinuman ang makakatanggap nito dahil maging sa sarili ko ay kusang bumibitaw ang pakiramdam na ito. Gusto kong lumigaya, gusto kong maging malaya at maging masaya, ngunit ako ay nasasakluban parin ng mga pait mula sa nakaraan. Ako ay isang ipokrito at walang respeto sa sarili. Ako ay mapanlinlang, at mapag balat-kayo. Ako ay sinungaling dahil pinaniniwala ko ang sarili ko sa mga bagay na inaakala kong natatamasa ko. Hindi ko na alam kung paano hanapin ang sarili ko sa pagkakaligaw, pagod na akong sumubok, sawa na akong umasa sa mga bagay na pinipilit kong matamo. Malimit kong murahin ang sarili ko dahil sa kabila ng mga inaani kong papuri at respeto sa tao ay hindi ito nagiging sapat para paniwalaan ko. Depektibo na ata ang utak ko sa kamalayang inaasahan ko na makakabuti at makakapag paligaya sa akin. Nakasisiguro ako na walang alam ang mga taong nasa paligid ko, hindi nila aakalain na ganito na ang saloobin ko. Kilala nila ako bilang masiyahin, mapagbiro, may kapilyuhan at matatag na tao. Malamang yun ang alam nila dahil halos araw araw kong ipinapakita ito upang mapagtakpan ang sakit na nararamdaman ko na paulit ulit kong tinatakasan. Ang pagkabigo kong ito ay akin na mismong kagagawan, muntik na akong magmahal ngunit alam ko na mayroong masasaktan, hindi ko kakayaning makasakit ng kalooban ng kahit sinuman dahil mas nanaisin ko pang parusahan ang sarili ko kesa mandamay ng tao at maipit sa mga bagay na aking nararanasan. Malakas akong tao sa pisikal pero matagal ng gumuho ang aking kalooban, natakasan ko na ito noon ngunit hinahatak ako ng paulit ulit para pahirapang muli, manhid na ako sa sakit, pagod na ang utak kahit ayaw magpagapi, hikahos na ang puso pero pinipilit na magbunyi... Hindi ko na alam kung saan pa ako lulugar.. Patawad sa taong aking nasaktan, sa tingin ko ay mas makakabuti sa atin ito.. Wala ng positibong pumapasok sa utak ko sa panahong ito, paglalaanan ko ng oras at araw ito para mas lubusang maintindihan, ayokong sumuko pero wala na akong maisip na ibang paraan..

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento