Linggo, Agosto 28, 2016

Isang Gabi...

Matagal tagal narin nung kailan ako huling sumulat sa blog na ito, muntikan ko naring ngang makalimutan ang tungkol dito. Medyo kakaiba ang gabi ngayon kaya siguro nasumpungan kong magsulat ulit dito. May isang pangyayari kasi sa buhay ko na ayaw ko lang siguro makalimutan, kaya siguro gusto kong ikwento ang karanasan na iyon dito. Matagal na panahon narin akong hindi lumalabas na may kasamang babae as in date, unang una kasi hindi na ako kampante sa edad ko at pangalawa di ko na alam kung paano dumiskarte o manligaw man lang, ahaha... Masyado na rin siguro akong naging kumportable bilang binatang ama at walang ibang iniisip maliban sa pagtatrabaho, pag aalaga at pag aasikaso sa anak ko.

Anyway simulan natin ang kwento...

Minsan ay lumabas ako kasama ang isang espesyal na babae, ito ang una naming paglabas, bagay na wala akong ideya kung ano ang magiging daloy ng kwentuhan o mangyayari sa gabing mag kasama kami, Kadalasan kasi magkachat lang kami online. Naiisip kong magpasikat o magpa bida pero alam ko sa sarili ko na hindi ako yung taong ganun. Naniniwala kasi ako na kung magiging totoo ako sa sarili ko at mapatawa ko sya at malibang sa mga kwento ko ay wala akong dapat ipangamba kasi nagbigay sya ng tiwala at kahit wala akong kumpiyansa sa sarili ay pinili nya paring lumabas na kasama ako.

Maganda ang naging resulta ng pag labas namin, napagkwentuhan namin ang nakaraan, hilig at interes namin sa mga bagay bagay, napapatawa ko sya at nalilibang akong makipag usap. Sa madaling salita napaka sarap nyang kausap at kasama, natutulala din ako sa ngiti nya paminsan minsan. Marami syang naging problema at pinagdadaanan sa kasalukuyan at dun ko sya mas naintindihan. Nagkaroon kami ng pagkakaunawaan tungkol sa kung ano ang meron kami na kahit paano ay espesyal. Maging masaya sa kung ano ang meron kami, yun siguro ang pinaka tamang salita kung paano ilalarawan ang nararamdaman namin sa isat isa. maaring tama ako at maari ring nagkakamali ng pagkakaintindi sa bagay na ito.

Lumipas pa ang sandali at di namin namalayan na ilang oras nalang ay magpapakita na ang araw. Medyo nahihilo sya sa ininom namin, sinabi nya na gusto nya munang magpalipas ng oras at baka hindi nya kayaning mag maneho pauwi sa kanila. Sa pagkakataon na iyon ay naisipan naming tumigil muna sa isang lugar at kumuha ng kwarto na pwede naming pagpahingahan. Hindi ako ipokrito pero may mga pumasok sa utak ko na posibleng mangyari sa aming dalawa, ngunit bilang may respeto ay iniwas ko ang sarili ko sa mga bagay na naiisip ko. Hindi ako oportunistang lalake, may respeto ako sa kababaihan. Isa akong ama at ayokong mangyari sa anak kong babae balang araw ang mga bagay na alam kong hindi maganda.

Hinayaan ko syang magpahinga, nakahiga sya sa kama at ako naman sa sofa, inalok nya na humiga ako sa tabi nya at hindi naman daw nya ako pinag iisipan ng masama, kaya tinabihan ko din sya. Hindi ko din napigilan ang antok at nakaidlip ako ng sandali, nang maalimpuntan ako nakita ko ang himbing ng pagtulog nya, nakuha ko syang pag masdan dahil napaka amo ng mukha nya, Masarap ang tulog, patunay lang na may tiwala sya sa akin at hindi sya natakot na baka kung ano ang gawin ko sa kanya.

Nang maalimpunatan sya naisipan kong ialok ang braso ko upang higaan nya, hindi naman sya nag dalawang isip na gawin ito, hinawakan ko ang kamay nya at kumapit din sya at nakatulog kami na magkahawak ang mga kamay. Maraming taon ang dumaan sa akin at sa muling pagkakataon ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganun di ko maipaliwanag pero masarap sa pakiramdam, Niyakap ko sya at hinayaang matulog. Hindi ko mapigilan ang mapatitig sa kanya, binalak ko na halikan sya pero alam kong pagsasamantala lang ang gagawin ko. Hindi sya katulad ng ibang babae na nakasama ko na sa ganung lugar na panandalian lang at makalipas ang ilang araw ay magkakalimutan na. Siguro nga tumatanda na talaga ako magisip at hindi na ako mapusok katulad noon, lumipas pa ang oras at kumportable na sya sa braso ko, gusto ko ng tanggalin ang pagkakahiga nya dito dahil nangangalay na ako pero mahigpit syang kumakapit sa braso ko, kaya hinayaan ko nalang at tiniis ang ngawit. Ang mga bagay na naunawaan ko sa pagkakataong iyon ay isang hangarin na maganda at hindi panandalian. Kung mababasa lang nya ito gustong kong sabihin sa kanya na, ligtas ka sa piling ko, aalagaan kita, pagpapahingahin kita para matakasan ang mga problemang pinagdadaanan mo, patatawanin kita at rerespetuhin. Hindi mo na ulit mararanasan ang sakit na ibinigay sayo ng lalakeng pinagkatiwalaan mo at bigla ka nalang iniwan. Hindi ko sinasabing pagmamahal na ang naramdaman ko nung gabi na yun, masyado pang maaga pero sinabi ko sa sarili ko na gusto ko pa syang makilala ng lubos. Gusto ko syang maging masaya kasama ako dahil ganun din ang hinahanap ko.

Natapos ang oras at kaming dalawa ay nagdesisyong umuwi na, Masarap tignan na nakangiti sya nang magpaalam kami sa isat isa. Alam ko rin sa sarili ko na natuwa sya dahil hindi ako katulad ng iba na mapagsamantala. Natutuwa ako na kahit paano ay napasaya ko sya kahit sa napaka simpleng pagkakataon. Kung anuman ang maaring mangyari sa susunod, masasabi ko na basta kasama ko sya at nakikita kong napapasaya ko sya, susuportahan ko sya hangang sa abot ng aking makakaya. Gusto kong makalimutan nya ang nakaraan at salubungin ang bagong araw ng masaya at walang alinlangan, Ngayon nalang ulit ako nakapag sulat dito kasi nga siguro makalipas ang matagal na panahon ay ngayon nalang ulit ako nakaramdam ng ganito.

Maaring hindi nya mabasa kahit kailan ang nakasaad dito, hindi ko rin alam kung magkakaroon pa ulit ng pagkakataon na maulit muli ang pangyayaring iyon sa aming dalawa. Hindi rin ako sigurado kung ako lang ba ang nakaramdam ng ganito matapos ang sandaling iyon, pero para sa akin isa itong patunay na hindi parin pala ako manhid. Kaya ko parin palang makaramdam ng ganito at dahil sa bagay na yun gusto kong magpasalamat sa kanya. Maraming salamat at nakilala kita, Salamat sa "Isang Gabi" na ipinaramdam mo sa akin kung paano ulit maging masaya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento