Miyerkules, Enero 7, 2015

KABANATA APAT: Ang lihim na liham ni Pedro para kay Insiang

Ang mukha mong maganda, ang iyong mga pekas sa mukha, mga kulubot sa gilid ng mata at ilong, malakas na pag tawa at ang boses mong masarap pakingan. Ganyan ang mga nakikita ko at naririnig sa tuwing magbibitaw ako ng isang biro o nakakatawang kwento. Mga panahon na para bang ang problema ay naidadaan lang sa pagiging masaya, mga sandaling hindi tayo naaapektuhan sa hirap ng mga dumarating na sitwasyon sa buhay. Mga panahon na masasabi kong malaya tayo at masaya..

Maraming taon ang dumaan at nanatili tayong matatag at nabiyayaan ng isang magandang anak at buhay na hindi karangyaan pero nakakatawid sa lahat ng ating mga pangangailangan. Nananatili ang ating katatagan sa simpleng kaligayahan at maipagmamalaki kong sinasabi na masaya ang buhay basta't tayo ay magkakasama. Madalas kong sabihin noon na napaka swerte ko at kasama ko sa buhay ang taong mapagmahal, maintindihin at masiyahin.

Lahat ng tao ay dumarating sa madilim na sandali ng kanilang buhay. Hindi natin namalayan na nasasakluban na pala tayo ng ganitong pagkakataon. Ako ay naging isang duwag at naging kumportable nalang sa kung ano ang meron, naging makasarili at mas pinaiibabaw ang pagka dismaya at galit. Naging bulag para di makita ang mga taong naaapektuhan sa pansarili kong karamdaman.

Unti unti ng nawawala ang saya sa iyong mga mata, unti unting bumibitaw ang pagibig na ating sinumpaan sa hirap at ginhawa. Sa lahat ng iyong kabaitan at wagas na pagmamahal ay nasusuklian ko pa ng galit at kalungkutan hangang sa tuluyan mo ng maramdaman na nagiisa ka nalang at hindi ko man lang natanaw na ang mundo natin ay patuloy na nagugunaw.

Huminto ang pag pintig ang tibok ng puso ay napalitan ng galit, panghihinayang at walang katapusan na katanungan. Bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito? bakit may mga bagay na kahit ilang beses mong ayusin ay hindi na maaring magawa at mapagana? Ito na ata ang isa sa pinaka madilim na parte ng buhay ko gusto ko ng tapusin at wakasan ngunit hindi ako maaring magapi ng pagsuko at kaduwagan. May anak ako na mahal na mahal ko, kailangan nya ako sa mundo gusto kong ipakita sa kanya kung gaano kasaya ang mabuhay at maiparamdam sa kanya sa araw araw kung gaano sya kamahal ng tatay nya.

Apat na taon na ang nakakaraan ang galit ay tuluyan ng nawala ang pagkakamali ay labis ng naunawaan at naintindihan, nakawala sa pagsisisi at maluwag na natanggap sa puso na wala na sya at ako ay may bagong liwanag ng tinatanaw sa buhay. Hindi maiiwasan ang aming pagkikita dahil kami ay may anak, maayos naming nagagampanan ang aming katungkulan bilang mga magulang. simpleng batian, simpleng paguusap at kamustahan, tanggap na namin ito ng maluwag sa isat isa.

Ang mukha mong maganda, ang iyong mga pekas sa mukha, mga kulubot sa gilid ng mata at ilong, malakas na pag tawa at ang boses mong masarap pakingan. Yan ang mga nakita ko at narinig kanina nung magbibitaw ako ng isang biro at nakakatawang kwento. Kay tagal ko itong hindi nasaksihan at napagmasdan, Napakasarap sa pakiramdam, aminado ako na may tibok sa puso ka na nakaramdam ng kaginhawahan. Ngayon ay buong puso ko ng tinatanggap na ikaw ay malaya na at masaya. Sa bagay na iyon ang lahat para sa akin ay sapat na.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento