Martes, Hunyo 18, 2013

BANGUNGOT

Isinulat ko ito sa aking Friendster Blog noong July 21, 2005, matapos kong magising sa isang masamang bangungot. Ginawa ko ito habang sariwa pa sa utak ko ang mga nangyari at para rin hindi ko makalimutan ang bawat detalye. Walang halong biro at kasinungalingan ang naisulat ko dito at sa tingin ko ay wala akong nalampasan sa mga senaryong nasaksihan ko sa bangungot na ito. Pag pasensyahan nyo na kung mahaba ito at kung sa tingin nyong medyo magulo. 

Darwin Dacanay (06/19/13)

"BANGUNGOT"

Minsan sa iyong pagtulog ay wala kang kaalam alam na madadapuan ka ng isang napakasamang panaginip na minsan sa isang tao ay nauuwi sa isang bangungot. Ibabahagi ko sa inyo ang isa sa pinakamasama at nakakatakot kong panaginip…

Nagsimula ang aking panaginip nang Makita ko ang aking sarili na patungo sa isang makitid na eskinita. Sa pagkakaalam ko ni minsan ay hindi ko pa nararating ang lugar na ito sa tunay na buhay, ngunit batid ko na hindi ito nalalayo sa itsura ng mga lugar sa Quiapo o Divisoria. Ang nakakapagtaka lang ay mayroon akong alaala sa aking panaginip na minsan ng nabanggit ng kaibigan kong si Sonny na, napadaan na kami sa lugar na ito kasama pa ang isang kaibigan na nagngangalang Edward. sa tunay na buhay marami akong kakilala na Edward ang pangalan ngunit sa panaginip na ito ay hindi ko matukoy ang Edward na nabanggit ni Sonny. nasabi niya sa akin na kapag tinumbok mo raw ang mahabang eskinita ay may makikita ka na isang blood bank na maraming matatandang lalaki at babae na nasa edad pitumpu, pataas na humihingi ng tulong para masalinan sila ng dugo.sinasabi nila ito sa bawat taong madaan dito at lahat sila ay nag-aabang sa may harapan ng nasabing blood bank. Nagpatuloy ako sa paglalakad  at ramdam ko ang init ng hangin na sumalubong sa akin sa kadiliman ng makitid na eskinita. Tumingala ako at napansin ko na madilim and ulap, hindi kagaya ng liwanag sa labas bago pa ako makapasok rito. malayo-layo na ang aking nalalakad ng makaamoy ako ng napakabahong amoy na umaalingasaw, Pasalubong sa akin ang amoy, nakakasuka at napakahirap huminga. Naisip kong tumalikod at bumalik sa simula ng eskinita na pinasukan ko ngunit pagtalikod ko ay ganun din ang amoy na bumungad sa akin. Hindi na ako bumalik at ipinagpatuloy ko na lang ang aking paglalakad. Alam ko sa sarili ko na may kaba at takot na akong nararamdaman kaya dali-dali ko ng tinakbo ang madilim at makitid na eskinita hanggang sa napansin ko na medyo lumiliwanag na ang aking tintakbuhan. Hindi na nakayanan ng aking sikmura ang amoy na aking nalalanghap, nasuka ako habang tumatakbo, maluha-luha na ang aking mga mata. Ramdam kong naglalabasan ang mga ugat ko sa aking mukha na para bang binabanat ang aking balat. Napahinto ako dahil nahihirapan na akong huminga. Napahawak ako sa kanang bahagi ng eskinita nang mapansin kong nakahawak na pala ako sa salamin na pader ng blood bank na nabanggit ni Sonny sa aking alaala. Ngunit sa pagkakataon na ito abandunado na ang nasabing blood bank at sira na ang buong gusali na para bang sinalanta ng napakalakas na kalamidad. Kinuha ko ang aking panyo sa aking bulsa at tinakpan ko and aking ilong at bibig at itinali ang panyo sa likuran ng aking ulo. Kapirasong lakarin na lang at nasa dulo na ako ng eskinita ng biglang may sumampang matandang babae sa aking likuran at nagsabing “kailangan ko ang tulong mo, kailangan ko ang dugo mo!”. napakabaho ng kanyang hininga na para bang nabubulok na ang kanyang mga lamang loob. Pero mas nagulat ako ng tumingin ako sa aking harapan, sa kauna unahang pagkakataon ay kinilabutan ako ng husto na halos hindi na ako makasigaw at makagalaw. Libu-libong matatandang lalake at babae ang nagsiksikan sa isang napakalapad na kalsada.hindi ako sigurado sa bilang nila sa lawak at haba ng kalsada masasabi ko na hindi lang sila libu-libo kundi milyun-milyon pa. maraming bangkay, mga naagnas at mga sugatan, mga nagnanaknak ang buong katawan, ibat ibang amoy at sari-saring dumi ng tao ang naka kalat sa buong kapaligiran isama mo pa dito ang iba’t-ibang klaseng sakit na maaaring makuha dito. Para akong pumasok sa mundo ng mga buhay na patay. Napapaligiran nila ako. Iba’t-ibang boses, iba’t –ibang ungol na nakakapanindig balahibo, mga matatandang tao na iba’t-iba ang itsura, iba’t-ibang mga sigaw, lahat sila ay pilit akong hinahablot at sinasampahan. Napatumba ako dahil sa bigat ng mga nagpatong-patong na katawan. Dumarami na ang aking sugat dulot ng mga mahihigpit na hawak at malalalim na kalmot. Akala ko ay katapusan ko na ng mga sandaling iyon ibang takot na ang makikita sa aking mga mata wala na akong magawa kundi mag hintay na lamang ng kamatayan, ng biglang may makapa akong isang bakal na tubo na may isang dipa ang haba. Labag man sa loob kong manakit ng tao lalo pa at sila’y matatanda napilitan akong ipalo ito sa kanila para lamang makakuha ng espasyo at makalaya sa kanilang mga kamay. Pikit mata akong humahampas at nararamdaman ko ang mga dugo at lamang loob na nagtatalsikan sa aking mukha at katawan may humatak sa panyo na nakatali sa aking mukha kaya’t ang mga amoy ay lalo pang umalingasaw. Nakukunsensya ako ng buksan ko ang aking mga mata dahil nakikita ko ang mga patay na matatanda na walang kalabanlaban kong pinaslang. Habang patuloy na naririnig ang iba’t-ibang hinaing na “tulungan ko sila.” Sa isang banda sumagi sa aking isipan na natutulungan ko rin sila sa pamamagitan ng kamatayan. patuloy kong tinahak ang malawak na daanan habang winawasiwas ko ang mahabang tubo ng bakal sa aking mga kamay na humahampas sa kanila na para bang nagtatagpas lamang ako ng mga damo sa gitna ng kagubatan. Hindi ko na alam kung gaano katagal inabot ang aking pamamaslang, hindi ko na rin pansin ang oras o kung ilang araw na ba ang lumilipas. Hinang-hina na ang aking katawan ngunit para bang hindi pa rin sila nababawasan.  Iba’t-ibang pag-iyak na ang aking naririnig at ang mga pang-aakusa na “bakit ko raw ito ginagawa sa kanila?”, isa daw akong “demonyo na walang awang pumapaslang,” wala ng ibang paraan sa utak ko kung hindi ipagpatuloy na lamang ang aking ginagawa, hindi ko maililigtas ang sarili ko kung tatayo na lang ako ng walang ginagawa patawarin nila ako pero mas gugustuhin ko pang ubusin sila kaysa manitili silang buhay na nahihirapan habang naghihintay sa oras ng kanilang kamatayan. Milyun-milyon pa rin ang mga nakatayong matatanda. Patuloy ang ungol at paghingi ng tulong. Mabaho pa rin ang kapaligiran, ngunit hindi na nila ako malapitan. may kumuha ng aking atensyon, isa itong boses na nagmumula sa milyun-milyon na hinaing mula sa mga matatanda, una hindi ako makapaniwala ngunit ng pakinggan kong mabuti ay parang siya na lang ang aking naririnig, tinatawag niya ang pangalan ko, isang boses na nagmumula sa isang matandang lalake at sinasabi na kung gusto kong maligtas ay magtungo ako sa pintuan na nasa likuran ko, laking gulat ko ng makita ko na may isa ngang makitid na pintuan na parang naghihintay na lamang na aking buksan. Hindi na ako nagdalawang isip pa. dali-dali akong pumasok at itinarangka ang pintuan, wala na akong lakas pero hindi ako huminto sa paglakad. Hindi ko maipaliwanag pero bakit ito rin yung eskinita na dinaanan ko bago ko narating ang abandonadong blood bank? Bakit wala na ang mga sugat at dugo sa aking balat at kasuotan? Bakit parang walang nangyari? Tumingala ako at napansin na ang ulap ay maliwanag, hindi katulad ng una ko itong pasukin na mainit at madilim ang daanan. Lumuwag ang aking pakiramdam at sinabi sa aking sarili na dinalaw lang siguro ako ng isang bangungot, nang biglang makita ko ang tubo na hawak-hawak ko pa rin sa aking kanang kamay. “Ano ba ang nangyayari?”, nanlaki ang aking mga mata ng mapansin ko na nasa tabi na ulit ako ng abandonadong blood bank sa mismong pader na salamin. Wala itong pinagbago katulad nung huling beses ko itong nakita. May biglang bumagsak sa aking likuran “yung matandang babae” pero sa pagkakataong ito wala na siyang buhay, hindi na rin mabaho ang kanyang amoy sa katunayan napakabango niya. inilapag ko siya ng maayos sa semento na para bang natutulog lamang siya ng mapayapa. humarap ako sa malawak na kalsada natigilan ako at nagulat ng Makitang lahat sila ay wala ng buhay.. awa at pagsisisi ang aking naramdaman. ako ba ang may kagagawan nito? Wala ng bibigat pa sa pakiramdam na aking nararanasan. Habang tinatanaw ang bunduk-bundok na mga bangkay ng mga matatandang walang kalaban-laban. Patay na ang buong lugar wala ka ng makikitang gumagalaw maliban lang sa akin. Lumabas sa akin ang mga katanungan “sino sila?”,  sila ba ang lahat ng mga taong nabubuhay dito?, bakit lahat sila ay matatanda?, bakit ako lang ang nasa ganitong edad?, Hindi ko na makayanan… Kasalanan ko nga ba ang lahat?… Sinisingil na ako ng aking konsensya… Wala ng ibang paraan… kailangan ko ng tapusin ang paghihirap na ito… Dali-dali kong tinungong muli ang abandonadong blood bank, tumapat ako sa pader na salamin at walang pagdadalawang isip na inihampas ang tubong bakal sa malaking salamin. Nagtalsikan sa akin ang mga malalaking piraso ng mga basag-basag na salamin at kumalat ito sa aking kinatatayuan. Binitawan ko ang tubo at dumampot ng isang pinakamahaba at pinakamatulis na piraso ng salamin at sinabing… “dito na matatapos ang lahat…” isinaksak ko ito diretso sa aking puso at hinintay ang aking kamatayan… sa parteng ito ng aking panaginip ay wala na akong naramdaman. hindi ko na rin nalaman kung nalutas ko ba ang mga katanungan na pilit kong hinahanapan ng mga tamang kasagutan. Batid ko na wala na akong nagawa kundi tangapin na lamang ang isang pangyayaring  hindi na muling mabibigyan ng lunas at magagawaran ng mapayapang katapusan.
Nang magising ako mula sa isang masamang panaginip ramdam ko pa rin ang epekto nito sa aking pag-iisip, nagpapasalamat na lang ako at nagising pa ako at nabigyan ng pagkakataong mabuhay muli. Kung ano man ang kahulugan nito ay hindi ko na siguro malalaman pa. Sino ang matandang boses na nagturo sa akin ng pinto?, saan ang eksaktong lugar na pinangyarihan nito?, maraming naiwan na katanungan dito katulad din ng mga katanungan natin sa tunay na mundo.. magulo ang mga panaginip mahirap unawain, mahirap intindihin.. paano ba tayo nakakaisip ng mga bagay na ganito habang natutulog ang ating kamalayan.. Kung kabaligtaran ang kahulugan ng mga panaginip anong klaseng kasagutan ang maaaring makalutas dito?, wala na akong maisasagot pa. kayo na lang mismo ang bahalang humusga.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento