Paano nga ba nagsimula ang panghuhula at sumpa? at sino ang mga taong ito para silipin at tanawin ang mga maaaring mangyari o maglagay ng malas sa buhay natin balang araw? hindi magandang biro kapag masama ang pangitain at masaya naman kapag maganda ang kinalabasan, hindi rin maganda na isumpa mo ang isang tao dahil lamang sa nagawa nitong kamalian na dala lamang ng kanyang kabataan. Hula at sumpa nga di ba? kahit ako pwede kong gawin yun! pero alam natin na may mga taong naniniwala dito, hindi rin naman masama kung hangad mo na magkatotoo ito para sayo basta't maganda ang magiging resulta. Maaaring nagkakataon lang sa iba kaya sinasabi na nagkakatotoo ang mga ito, pero dahil nga sa paniniwalang yan ay naglaan ako ng panahon para itanong kung totoo nga ba para sa sarili ko ang hula at sumpa, kahit ngayon araw lang.
Isa na ata ako sa mga taong naisumpa at nabigyan ng mga hula na yan. Noong nasa kolehiyo ako may isang matandang lalake na nanghuhula sa malate na bigla nalang nakisingit, noong panahon na yon ako yung tipo ng tao na sasakyan yung trip nya para sa katuwaan ng barkada, ang nagiisang katanungan ko noon ay, "Ano ang ikamamatay ko?" konting himas sa kamay at hagod sa guhit ng aking palad sinabi nya sa akin na "Ang pagiging mainitin ng ulo mo at pakikipag basag ulo ang ikamamatay mo." aaminin ko nakakagulat dahil lingid sa kaalaman ng iba ganoon nga ako lalo na nung mga panahon na iyon, dahil sa salitang yun, natuto akong pumreno kahit paano para makaiwas sa kahit anumang pikunan, away at diskusyon. Sino nga ba ang binata na gustong mamatay agad sa edad na disinuebe? hehehe..
Ang aking unang sumpa. Nagtatrabaho na ako nung mga panahon na yon at may nobya na napaka bait, maganda, napaka simple, mahiyain at sobrang lambing. Sya yung nakarelasyon ko na hindi ako nakaranas ng pang aaway mula sa kanya o kahit nagalit man lang sa akin. Napaka simple lang din ng mga pangarap nya at kadalasan kasama ako sa mga pangarap na iyon. Sobrang kabaligtaran ko sya pero tangap niya kung ano ako at kung sino ako. magkalayo kami ng lugar kaya medyo mahirap ang relasyon namin, dahil sa problemang iyon nakakaramdam na ako ng pagka tamad at kuntento nalang sa pagiging mag isa sa piling ng mga barkada at hindi na masaya para sa aming dalawa. Hinikayat ko sya na sumunod na sa mga magulang nya sa America para matupad ang mga pangarap nya, ayaw nya noong una dahil di nya ako kayang iwan ngunit para sa akin paraan ko yun para makawala sa kanya. Natuloy sya sa America at nag iwan ng pangako na bigyan ko lang sya ng dalawa hangang tatlong taon at kukunin nya na ako papunta doon para tuparin yung mga plano namin sa buhay pero sa halip pag tungtong nya ng eroplano ay nakipag hiwalay ako sa kanya. hindi naging madali para sa kanya ang lahat at iniwanan nya ako ng isang sumpa na "A little piece of me will haunt you forever! hinding hindi ka magiging masaya dahil parati kang mabibigo!" mula noon hindi na ulit kami nagkaron ng pagkakataon na magkausap pa o makahingi man lang ng tawad sa nagawa ko.
Lumipas pa ang mga taon, naikasal ako, naging ama at naging masaya sa piling ng aking asawa, kami na ata ang pinaka cool na mag asawa noon ayon sa iba naming malalapit na kaibigan. masasabi kong simple ang naging buhay namin bawat problema at bagyo ay magkasama naming nalalagpasan. Minsan sinasabi ko sa sarili ko na hindi totoo yang mga sumpa na yan dahil nandito ako at masaya, kuntento sa kung anuman at lumalaban sa mga hamon na ibinibigay sa amin ng buhay. Dumating ang isa pang hula sa amin, ayoko ng maniwala o makinig sa ganito pero pinilit kami at wala naman daw mawawala. Lumabas sa hula na isa lang ang magiging anak namin at maliit ang magiging tyansa ko na makapag ibang bansa, nakakapikon pero imbes na seryosohin ang ganung bagay ay tinawanan lang namin ito. Lumipas ang limang taon dumating ang pinaka malaking bagyo sa buhay naming mag asawa na nauwi sa aming hiwalayan na di namin inaasahan o pinangarap man lang noon. Ngayon unti unti ng naghihilom ang mga sakit at sugat, may klarong pag iisip narin sa pagtanggap, basta para sa bata gagawin naming lahat para mabigyan sya ng magandang kinabukasan, at hindi ko rin naman isinasara ang aming pintuan kung darating man ang pagkakataon at maiba ang ikot ng mundo at maayos ang lahat alang alang sa bata at pagmamahalan ay kusa siguro naming papasukin ito para panghawakang muli at ingatan ang ikalawang pagkakataon na may bukas na puso at isipan. Basta't ang mahalaga naiwan ang respeto at nabigyan ako ng bagong pananaw at inspirasyon na makatayo at bumangon para sa magandang bukas sa piling ng aking mahal na anak.
Kung totoo man ang hula at sumpa ay hindi ko na masasagot. Maaring nagkakataon lamang dahil sa mga sitwasyon at kaganapan na tayo mismo ang may kasalanan, gumusto at gumawa. Pero kung totoo man ito, isa siguro ako sa tatanggap ng hamon upang mabawi ang inagaw sa akin nito at para maituwid ang mga pangyayari at kamalian na nagawa ko sa aking buhay. Nasa atin ang paniniwala at sagot kaya hindi tayo dapat makuntento o maniwala sa mga sumpa at hula lang..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento