Gabi ang simula ng trabaho ko noon hangang umaga kaya kadalasan pag uwi ko sa bahay ay napakahirap ng matulog lalo na pag patirik na ang araw sa oras ng pahinga mo, minsan tinatanong ko ang sarili ko, "bakit nga ba ako nagti-tiyaga sa ganitong linya ng trabaho?" samantalang maganda naman ang karera ko sa larangan na tinapos ko ng limang taon sa aking kolehiyo. Tumatanda na nga talaga ako, minsan mabilis nalang makuntento sa kung ano nalang ang meron, madali at praktikal. Naranasan ko ng kumita ng malaki, mabugbog sa trabaho at bumiyahe ng malayo at pilitin nalang na matulog pagkauwi ng bahay dahil sa sobrang pagod, oo nga at malaki ang kita ngunit hindi naman nabubuhay ng masaya. Ipinagpalit ko ang lahat ng iyon sa trabaho ko ngayon na hindi kalakihan ang sweldo, pero malapit sa inuuwian ko at ang pinaka mahalaga dun ay ang mas maraming oras para sa anak ko, pamilya at mga hilig, mas malayang nagagawa ang mga gusto at kahit sagarin ang oras hangang madaling araw, nagigising sa bagong araw ng may ngiti sa mga mata. Ang laki ang pagkakaiba, nangangahulugan lang na hindi lang pera ang makakapag papasaya sa tao kundi ang pagiging simple at kuntento sa buhay na pinili nito. May ambisyon ako, oo! pero hindi ko hinahayaan na lamunin ako nito dahil kadalasan hindi maganda ang nagiging resulta, mas napapa-sama pa nga minsan dahil sa paghahangad nito marami ang nasasagasaan at nasasaktan. Hangad ko ang magandang buhay lalo na sa kinabukasan ng aking anak, kaya't kahit hindi gaano ka komplikado ang ginagawa ko sa trabaho ay pinag iigihan ko ito dahil sa ngayon ito ang bumubuhay sa amin at sumasagot sa mga gastusin.
Ingatan natin ang kahit anong propesyon na meron tayo pati ang mga bagay na nakakaganda at nakakatulong sa atin, balang araw unti unti rin tayong makakabalik sa itaas na dati nating naakyat at kinahulugan. Kapit lang, basta may tiyaga palaging may nilaga! Tiis lang... ^_^
Ops! mahaba haba na itong naisulat ko sa oras mismo ng aking trabaho hehehe, ngayon kukunin ko naman ang aking break upang makapag nilay-nilay at kumuha ng magandang... zzzzzZZzzzz....
Nang makita ko ang picture na ito, napatawa ako siguro nga kasi nakaka relate ako at siguradong sa-sang-ayon din ang mga tao, kaibigan at katrabaho na nakasama ko sa dating account ko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento