Martes, Agosto 20, 2013

Sa totoo lang...

Salamat naman at lumalabas na ng bansa si bagyong Maring na nagpahirap sa maraming kababayan natin. Hindi na ako magsasalita tungkol dito at alam naman natin kung gaano na karaming tao ang nagsulat tungkol dito at nagbahagi ng mga nakakalungkot na larawan at kwento sa mga social networks.

Ang post ko na ito ay hindi tungkol sa bagyong dumating kundi sa magandang pangyayari na dumating sa akin nitong buong linggo.

Nakasama kita sa napaka ikling panahon, magaan ang loob ko sa'yo kahit hindi pa kita lubusang kilala. Alam kong may mga sitwasyon kang pinagdadaanan at ganun din naman ako, mas malala lang siguro yung sa akin, isama mo narin dun yung dahilan na mas matanda ako sayo.

Kaya mong unawain ang mga sinasabi ko, nagugulat nalang ako minsan kasi mature ang pagiisip mo. Natutuwa ako sa mga ibinabahagi mo tungkol sa'yo, May pagka wirdo ka at mas malala naman ako, mahiyain ka at ako naman ang kabaligtaran mo, nadadala pa ako lalo habang nakatitig sa mga mata mo.

Hindi ko matantya kung ano ang nararamdaman ko pero nung nakasama kita nabatid ko kung ano ito. Humahanga ako sa'yo, hindi ko inaasahan na sa pagiging malakas ko ay ipinakita mo sa akin kung ano ang kahinaan ko.

Maraming tanong at komplikasyon kung dudugtungan ko pa ito pero malaki ang pasasalamat ko dahil napagtanto ko, na kaya ko pa palang makaramdam nito. Pinipigilan ko, para narin sa ikabubuti mo, nililimitahan ko para narin sa kapakanan ko.

Ang tanging hangad ko lamang ay ang kaligayahan mo at kalimutan ang nakaraan na nagpapahirap sa iyo. pilitin mong mas maka usad at gawin ang gusto mo, nang sa gayon ay mas makilala mong muli ang sarili mo.

Maging matatag ka at asahan na nandito lang ako para sumuporta sa iyo. Nagawa mong pahintuin ang mundo ko sa loob lamang ng isang linggo, paano pa kaya sa mga taong mas malalapit sayo.

At kung bakit ko isinulat 'to? ayaw ko lang sigurong makalimutan yung espesyal na pakiramdam na naibahagi mo. Gusto pa sana kitang mas makilala, masyado parin namang maaga. Sa totoo lang...

Martes, Agosto 6, 2013

Kapit lang...

Isang buwan mahigit na pala bago ko naalala na may Blog nga pala ako.. hehehe.. marami lang siguro akong inisip at inasikaso nitong nakaraang buwan. Minsan may ugali talaga akong ganun, na kapag nabaling ang atensyon sa isang pagkaka-abalahan e malimit na nagagawa ko ito ng dire-diretso ngunit kapag nabaling na-naman ulit sa iba ay nakakaligtaan ko na ulit balikan yung mas nauna. At dahil nga naalala ko ito, ako ay maglalahad muli ng panibagong kwento o pahayag man lamang kahit papaano..

Ako ay isang simpleng tao, madaling lumigaya at makuntento sa mga bagay na pinapahalagahan ko, minsan nakakagawa rin ako ng mga desisyon na hindi masyado pinag-iisipan at nauuwi sa hindi magandang resulta. Magulo ang utak ko nitong nakaraang buwan dala narin siguro ng labis na pag iisip sa mga importanteng bagay at mga sitwasyon na hindi madaling iwasan, malimit ko itong hanapan ng lunas, tamang desisyon at kasagutan na unti unti rin namang nalalagpasan. Ang mga bagay na ito ay nangyayari rin sa iba ngunit napapabayaan na mismo ang sarili dahil sa kawalan ng pagasa na madalas mauwi sa pagsuko.

Sa araw na ito, sikapin nating maging mas matatag, sumubok ng mga bagong bagay, kaalaman at libangan para makabangon muli at humarap sa mga hamon ng buhay. Lahat ng bagay ay may solusyon, maaaring madaling sabihin pero mas mabuti pang sumugal kesa walang natututunan sa mga kamaliang napagdaanan.

Ang mensaheng ito ay iniaalay ko sa mga kaibigan na pinanghihinaan ng loob ng dahil sa bigat ng iniisip at problemang dinadala. Tandaan parin natin na minsan lang tayo mabubuhay kaya bigyan natin ito ng magandang kabuluhan at kahulugan. Makaka ahon din tayo kaibigan, basta't Kapit lang. ^_^


Martes, Hunyo 18, 2013

Pikon lang...

Nag aasaran nanaman ang mga fans ng Heat at Spurs ngayong araw, maraming galit kay Lebron at maraming ayaw sa Spurs hehehe.. wala akong team na kinakampihan dahil wala na akong hilig sa basketball mas naaaliw lang ako sa mga taong nag aasaran at nagkakapikunan ng dahil sa labanang ito lalo na ngayong game 6. may isang nag status "Dahil sa pagkatalo ng Heat marami nanamang makikiuso at sasakay sa bandwagon!" bitter?! ahahaha.. Pag hindi kampi sa team mo at nakikisali sa pang aasar e nakikiuso na?, easy lang! yun kaya ang pinaka masarap ang mang asar! lalo na pag napipikon yung kalaban hehehe hindi porket di gaano nanonood ng NBA e nakikiuso na, baka may team lang sya na gusto kaso di naka pasok sa finals, masyado ka lang nahu-hurt siguro kaibigan ahahaha.. sa kabilang panig naman ganun din nung nakakahabol na sa standing ang Heat bibira ng "Marami na-namang makikisakay sa pagdiriwang nila Lechoke James!" at dahil dun meron na-namang nagkasagutan at nagka bastusan sa comments hahaha.. Ang ku-kyut nyo basahin! hahaha.. nang dahil sa finals marami ring naging instant sports analyst! hayup ang gagaling mag review at mamuna ng kapalpakan ng mga players, tinalo pa ang mga coach! pero sa totoong buhay hindi nag ba-basketball at ang masama pa e ayaw maglaro nito. hahaha.. Panay tawa nalang ako dito at nag aabang sa magiging resulta ng laban ngayon. Kung mag champion ang Spurs dahil lamang sila sa panalo e mag aabang ako ng away at asaran sa fb at kung manalo ang Heat at umabot sa game 7 e di lalong masaya at maraming maba-basa! ang mga common na nababasa ko kasi e "Ano mga ang-HEAT?! nanahimik bigla a?!" tsaka "Ano San Antonio? lumabas kayo ngayon mga gurang!!" hahaha.. Meron pa ngang "Na-Mafia" e! nyahaha!! talo lang nagka mafia-han na?!, daming palusot at kesyo pinag bigyan para gumanda ang laban.. Narinig ko na yan! isa akong die hard Ginebra fan at naging dahilan ko narin yan! ahahaha.. Anyway masarap talagang basahin ang pagtatalo ng mga NBA fans ngayong araw na ito. Pasalamat nalang ang Lakers at hindi sila nakapasok at injured din si Kobe Bryant dahil kung sila ang nasa finals ngayon malamang napaka sarap nanaman asarin ng mga Laker fans! hehehe.. Di ako ganun ka adik sa NBA pero pag Lakers na ang topic e nakikisali ako dahil isa ako sa mga haters nito! hahaha.. Dadami nanaman ang mga bibo sa basketball ngayong araw na ito at dun siguradong pasok ang pusta ko dyan. O mag re-react ka? ano pikon lang?


BANGUNGOT

Isinulat ko ito sa aking Friendster Blog noong July 21, 2005, matapos kong magising sa isang masamang bangungot. Ginawa ko ito habang sariwa pa sa utak ko ang mga nangyari at para rin hindi ko makalimutan ang bawat detalye. Walang halong biro at kasinungalingan ang naisulat ko dito at sa tingin ko ay wala akong nalampasan sa mga senaryong nasaksihan ko sa bangungot na ito. Pag pasensyahan nyo na kung mahaba ito at kung sa tingin nyong medyo magulo. 

Darwin Dacanay (06/19/13)

"BANGUNGOT"

Minsan sa iyong pagtulog ay wala kang kaalam alam na madadapuan ka ng isang napakasamang panaginip na minsan sa isang tao ay nauuwi sa isang bangungot. Ibabahagi ko sa inyo ang isa sa pinakamasama at nakakatakot kong panaginip…

Nagsimula ang aking panaginip nang Makita ko ang aking sarili na patungo sa isang makitid na eskinita. Sa pagkakaalam ko ni minsan ay hindi ko pa nararating ang lugar na ito sa tunay na buhay, ngunit batid ko na hindi ito nalalayo sa itsura ng mga lugar sa Quiapo o Divisoria. Ang nakakapagtaka lang ay mayroon akong alaala sa aking panaginip na minsan ng nabanggit ng kaibigan kong si Sonny na, napadaan na kami sa lugar na ito kasama pa ang isang kaibigan na nagngangalang Edward. sa tunay na buhay marami akong kakilala na Edward ang pangalan ngunit sa panaginip na ito ay hindi ko matukoy ang Edward na nabanggit ni Sonny. nasabi niya sa akin na kapag tinumbok mo raw ang mahabang eskinita ay may makikita ka na isang blood bank na maraming matatandang lalaki at babae na nasa edad pitumpu, pataas na humihingi ng tulong para masalinan sila ng dugo.sinasabi nila ito sa bawat taong madaan dito at lahat sila ay nag-aabang sa may harapan ng nasabing blood bank. Nagpatuloy ako sa paglalakad  at ramdam ko ang init ng hangin na sumalubong sa akin sa kadiliman ng makitid na eskinita. Tumingala ako at napansin ko na madilim and ulap, hindi kagaya ng liwanag sa labas bago pa ako makapasok rito. malayo-layo na ang aking nalalakad ng makaamoy ako ng napakabahong amoy na umaalingasaw, Pasalubong sa akin ang amoy, nakakasuka at napakahirap huminga. Naisip kong tumalikod at bumalik sa simula ng eskinita na pinasukan ko ngunit pagtalikod ko ay ganun din ang amoy na bumungad sa akin. Hindi na ako bumalik at ipinagpatuloy ko na lang ang aking paglalakad. Alam ko sa sarili ko na may kaba at takot na akong nararamdaman kaya dali-dali ko ng tinakbo ang madilim at makitid na eskinita hanggang sa napansin ko na medyo lumiliwanag na ang aking tintakbuhan. Hindi na nakayanan ng aking sikmura ang amoy na aking nalalanghap, nasuka ako habang tumatakbo, maluha-luha na ang aking mga mata. Ramdam kong naglalabasan ang mga ugat ko sa aking mukha na para bang binabanat ang aking balat. Napahinto ako dahil nahihirapan na akong huminga. Napahawak ako sa kanang bahagi ng eskinita nang mapansin kong nakahawak na pala ako sa salamin na pader ng blood bank na nabanggit ni Sonny sa aking alaala. Ngunit sa pagkakataon na ito abandunado na ang nasabing blood bank at sira na ang buong gusali na para bang sinalanta ng napakalakas na kalamidad. Kinuha ko ang aking panyo sa aking bulsa at tinakpan ko and aking ilong at bibig at itinali ang panyo sa likuran ng aking ulo. Kapirasong lakarin na lang at nasa dulo na ako ng eskinita ng biglang may sumampang matandang babae sa aking likuran at nagsabing “kailangan ko ang tulong mo, kailangan ko ang dugo mo!”. napakabaho ng kanyang hininga na para bang nabubulok na ang kanyang mga lamang loob. Pero mas nagulat ako ng tumingin ako sa aking harapan, sa kauna unahang pagkakataon ay kinilabutan ako ng husto na halos hindi na ako makasigaw at makagalaw. Libu-libong matatandang lalake at babae ang nagsiksikan sa isang napakalapad na kalsada.hindi ako sigurado sa bilang nila sa lawak at haba ng kalsada masasabi ko na hindi lang sila libu-libo kundi milyun-milyon pa. maraming bangkay, mga naagnas at mga sugatan, mga nagnanaknak ang buong katawan, ibat ibang amoy at sari-saring dumi ng tao ang naka kalat sa buong kapaligiran isama mo pa dito ang iba’t-ibang klaseng sakit na maaaring makuha dito. Para akong pumasok sa mundo ng mga buhay na patay. Napapaligiran nila ako. Iba’t-ibang boses, iba’t –ibang ungol na nakakapanindig balahibo, mga matatandang tao na iba’t-iba ang itsura, iba’t-ibang mga sigaw, lahat sila ay pilit akong hinahablot at sinasampahan. Napatumba ako dahil sa bigat ng mga nagpatong-patong na katawan. Dumarami na ang aking sugat dulot ng mga mahihigpit na hawak at malalalim na kalmot. Akala ko ay katapusan ko na ng mga sandaling iyon ibang takot na ang makikita sa aking mga mata wala na akong magawa kundi mag hintay na lamang ng kamatayan, ng biglang may makapa akong isang bakal na tubo na may isang dipa ang haba. Labag man sa loob kong manakit ng tao lalo pa at sila’y matatanda napilitan akong ipalo ito sa kanila para lamang makakuha ng espasyo at makalaya sa kanilang mga kamay. Pikit mata akong humahampas at nararamdaman ko ang mga dugo at lamang loob na nagtatalsikan sa aking mukha at katawan may humatak sa panyo na nakatali sa aking mukha kaya’t ang mga amoy ay lalo pang umalingasaw. Nakukunsensya ako ng buksan ko ang aking mga mata dahil nakikita ko ang mga patay na matatanda na walang kalabanlaban kong pinaslang. Habang patuloy na naririnig ang iba’t-ibang hinaing na “tulungan ko sila.” Sa isang banda sumagi sa aking isipan na natutulungan ko rin sila sa pamamagitan ng kamatayan. patuloy kong tinahak ang malawak na daanan habang winawasiwas ko ang mahabang tubo ng bakal sa aking mga kamay na humahampas sa kanila na para bang nagtatagpas lamang ako ng mga damo sa gitna ng kagubatan. Hindi ko na alam kung gaano katagal inabot ang aking pamamaslang, hindi ko na rin pansin ang oras o kung ilang araw na ba ang lumilipas. Hinang-hina na ang aking katawan ngunit para bang hindi pa rin sila nababawasan.  Iba’t-ibang pag-iyak na ang aking naririnig at ang mga pang-aakusa na “bakit ko raw ito ginagawa sa kanila?”, isa daw akong “demonyo na walang awang pumapaslang,” wala ng ibang paraan sa utak ko kung hindi ipagpatuloy na lamang ang aking ginagawa, hindi ko maililigtas ang sarili ko kung tatayo na lang ako ng walang ginagawa patawarin nila ako pero mas gugustuhin ko pang ubusin sila kaysa manitili silang buhay na nahihirapan habang naghihintay sa oras ng kanilang kamatayan. Milyun-milyon pa rin ang mga nakatayong matatanda. Patuloy ang ungol at paghingi ng tulong. Mabaho pa rin ang kapaligiran, ngunit hindi na nila ako malapitan. may kumuha ng aking atensyon, isa itong boses na nagmumula sa milyun-milyon na hinaing mula sa mga matatanda, una hindi ako makapaniwala ngunit ng pakinggan kong mabuti ay parang siya na lang ang aking naririnig, tinatawag niya ang pangalan ko, isang boses na nagmumula sa isang matandang lalake at sinasabi na kung gusto kong maligtas ay magtungo ako sa pintuan na nasa likuran ko, laking gulat ko ng makita ko na may isa ngang makitid na pintuan na parang naghihintay na lamang na aking buksan. Hindi na ako nagdalawang isip pa. dali-dali akong pumasok at itinarangka ang pintuan, wala na akong lakas pero hindi ako huminto sa paglakad. Hindi ko maipaliwanag pero bakit ito rin yung eskinita na dinaanan ko bago ko narating ang abandonadong blood bank? Bakit wala na ang mga sugat at dugo sa aking balat at kasuotan? Bakit parang walang nangyari? Tumingala ako at napansin na ang ulap ay maliwanag, hindi katulad ng una ko itong pasukin na mainit at madilim ang daanan. Lumuwag ang aking pakiramdam at sinabi sa aking sarili na dinalaw lang siguro ako ng isang bangungot, nang biglang makita ko ang tubo na hawak-hawak ko pa rin sa aking kanang kamay. “Ano ba ang nangyayari?”, nanlaki ang aking mga mata ng mapansin ko na nasa tabi na ulit ako ng abandonadong blood bank sa mismong pader na salamin. Wala itong pinagbago katulad nung huling beses ko itong nakita. May biglang bumagsak sa aking likuran “yung matandang babae” pero sa pagkakataong ito wala na siyang buhay, hindi na rin mabaho ang kanyang amoy sa katunayan napakabango niya. inilapag ko siya ng maayos sa semento na para bang natutulog lamang siya ng mapayapa. humarap ako sa malawak na kalsada natigilan ako at nagulat ng Makitang lahat sila ay wala ng buhay.. awa at pagsisisi ang aking naramdaman. ako ba ang may kagagawan nito? Wala ng bibigat pa sa pakiramdam na aking nararanasan. Habang tinatanaw ang bunduk-bundok na mga bangkay ng mga matatandang walang kalaban-laban. Patay na ang buong lugar wala ka ng makikitang gumagalaw maliban lang sa akin. Lumabas sa akin ang mga katanungan “sino sila?”,  sila ba ang lahat ng mga taong nabubuhay dito?, bakit lahat sila ay matatanda?, bakit ako lang ang nasa ganitong edad?, Hindi ko na makayanan… Kasalanan ko nga ba ang lahat?… Sinisingil na ako ng aking konsensya… Wala ng ibang paraan… kailangan ko ng tapusin ang paghihirap na ito… Dali-dali kong tinungong muli ang abandonadong blood bank, tumapat ako sa pader na salamin at walang pagdadalawang isip na inihampas ang tubong bakal sa malaking salamin. Nagtalsikan sa akin ang mga malalaking piraso ng mga basag-basag na salamin at kumalat ito sa aking kinatatayuan. Binitawan ko ang tubo at dumampot ng isang pinakamahaba at pinakamatulis na piraso ng salamin at sinabing… “dito na matatapos ang lahat…” isinaksak ko ito diretso sa aking puso at hinintay ang aking kamatayan… sa parteng ito ng aking panaginip ay wala na akong naramdaman. hindi ko na rin nalaman kung nalutas ko ba ang mga katanungan na pilit kong hinahanapan ng mga tamang kasagutan. Batid ko na wala na akong nagawa kundi tangapin na lamang ang isang pangyayaring  hindi na muling mabibigyan ng lunas at magagawaran ng mapayapang katapusan.
Nang magising ako mula sa isang masamang panaginip ramdam ko pa rin ang epekto nito sa aking pag-iisip, nagpapasalamat na lang ako at nagising pa ako at nabigyan ng pagkakataong mabuhay muli. Kung ano man ang kahulugan nito ay hindi ko na siguro malalaman pa. Sino ang matandang boses na nagturo sa akin ng pinto?, saan ang eksaktong lugar na pinangyarihan nito?, maraming naiwan na katanungan dito katulad din ng mga katanungan natin sa tunay na mundo.. magulo ang mga panaginip mahirap unawain, mahirap intindihin.. paano ba tayo nakakaisip ng mga bagay na ganito habang natutulog ang ating kamalayan.. Kung kabaligtaran ang kahulugan ng mga panaginip anong klaseng kasagutan ang maaaring makalutas dito?, wala na akong maisasagot pa. kayo na lang mismo ang bahalang humusga.


Hula lang...

Paano nga ba nagsimula ang panghuhula at sumpa? at sino ang mga taong ito para silipin at tanawin ang mga maaaring mangyari o maglagay ng malas sa buhay natin balang araw? hindi magandang biro kapag masama ang pangitain at masaya naman kapag maganda ang kinalabasan, hindi rin maganda na isumpa mo ang isang tao dahil lamang sa nagawa nitong kamalian na dala lamang ng kanyang kabataan. Hula at sumpa nga di ba? kahit ako pwede kong gawin yun! pero alam natin na may mga taong naniniwala dito, hindi rin naman masama kung hangad mo na magkatotoo ito para sayo basta't maganda ang magiging resulta. Maaaring nagkakataon lang sa iba kaya sinasabi na nagkakatotoo ang mga ito, pero dahil nga sa paniniwalang yan ay naglaan ako ng panahon para itanong kung totoo nga ba para sa sarili ko ang hula at sumpa, kahit ngayon araw lang.

Isa na ata ako sa mga taong naisumpa at nabigyan ng mga hula na yan. Noong nasa kolehiyo ako may isang matandang lalake na nanghuhula sa malate na bigla nalang nakisingit, noong panahon na yon ako yung tipo ng tao na sasakyan yung trip nya para sa katuwaan ng barkada, ang nagiisang katanungan ko noon ay, "Ano ang ikamamatay ko?" konting himas sa kamay at hagod sa guhit ng aking palad sinabi nya sa akin na "Ang pagiging mainitin ng ulo mo at pakikipag basag ulo ang ikamamatay mo." aaminin ko nakakagulat dahil lingid sa kaalaman ng iba ganoon nga ako lalo na nung mga panahon na iyon, dahil sa salitang yun, natuto akong pumreno kahit paano para makaiwas sa kahit anumang pikunan, away at diskusyon. Sino nga ba ang binata na gustong mamatay agad sa edad na disinuebe? hehehe..

Ang aking unang sumpa. Nagtatrabaho na ako nung mga panahon na yon at may nobya na napaka bait, maganda, napaka simple, mahiyain at sobrang lambing. Sya yung nakarelasyon ko na hindi ako nakaranas ng pang aaway mula sa kanya o kahit nagalit man lang sa akin. Napaka simple lang din ng mga pangarap nya at kadalasan kasama ako sa mga pangarap na iyon. Sobrang kabaligtaran ko sya pero tangap niya kung ano ako at kung sino ako. magkalayo kami ng lugar kaya medyo mahirap ang relasyon namin, dahil sa problemang iyon nakakaramdam na ako ng pagka tamad at kuntento nalang sa pagiging mag isa sa piling ng mga barkada at hindi na masaya para sa aming dalawa. Hinikayat ko sya na sumunod na sa mga magulang nya sa America para matupad ang mga pangarap nya, ayaw nya noong una dahil di nya ako kayang iwan ngunit para sa akin paraan ko yun para makawala sa kanya. Natuloy sya sa America at nag iwan ng pangako na bigyan ko lang sya ng dalawa hangang tatlong taon at kukunin nya na ako papunta doon para tuparin yung mga plano namin sa buhay pero sa halip pag tungtong nya ng eroplano ay nakipag hiwalay ako sa kanya. hindi naging madali para sa kanya ang lahat at iniwanan nya ako ng isang sumpa na "A little piece of me will haunt you forever! hinding hindi ka magiging masaya dahil parati kang mabibigo!" mula noon hindi na ulit kami nagkaron ng pagkakataon na magkausap pa o makahingi man lang ng tawad sa nagawa ko.

Lumipas pa ang mga taon, naikasal ako, naging ama at naging masaya sa piling ng aking asawa, kami na ata ang pinaka cool na mag asawa noon ayon sa iba naming malalapit na kaibigan. masasabi kong simple ang naging buhay namin bawat problema at bagyo ay magkasama naming nalalagpasan. Minsan sinasabi ko sa sarili ko na hindi totoo yang mga sumpa na yan dahil nandito ako at masaya, kuntento sa kung anuman at lumalaban sa mga hamon na ibinibigay sa amin ng buhay. Dumating ang isa pang hula sa amin, ayoko ng maniwala o makinig sa ganito pero pinilit kami at wala naman daw mawawala. Lumabas sa hula na isa lang ang magiging anak namin at maliit ang magiging tyansa ko na makapag ibang bansa, nakakapikon pero imbes na seryosohin ang ganung bagay ay tinawanan lang namin ito. Lumipas ang limang taon dumating ang pinaka malaking bagyo sa buhay naming mag asawa na nauwi sa aming hiwalayan na di namin inaasahan o pinangarap man lang noon. Ngayon unti unti ng naghihilom ang mga sakit at sugat, may klarong pag iisip narin sa pagtanggap, basta para sa bata gagawin naming lahat para mabigyan sya ng magandang kinabukasan, at hindi ko rin naman isinasara ang aming pintuan kung darating man ang pagkakataon at maiba ang ikot ng mundo at maayos ang lahat alang alang sa bata at pagmamahalan ay kusa siguro naming papasukin ito para panghawakang muli at ingatan ang ikalawang pagkakataon na may bukas na puso at isipan. Basta't ang mahalaga naiwan ang respeto at nabigyan ako ng bagong pananaw at inspirasyon na makatayo at bumangon para sa magandang bukas sa piling ng aking mahal na anak.

Kung totoo man ang hula at sumpa ay hindi ko na masasagot. Maaring nagkakataon lamang dahil sa mga sitwasyon at kaganapan na tayo mismo ang may kasalanan, gumusto at gumawa. Pero kung totoo man ito, isa siguro ako sa tatanggap ng hamon upang mabawi ang inagaw sa akin nito at para maituwid ang mga pangyayari at kamalian na nagawa ko sa aking buhay. Nasa atin ang paniniwala at sagot kaya hindi tayo dapat makuntento o maniwala sa mga sumpa at hula lang..


Ayun lang...

Minsan napapakamot nalang ako ng ulo kapag naka online ako sa Facebook may mga tao kasi minsan na matindi ang mga tirada! aminado ako na minsan baka ganun din ang dating ko sa mga tao at hindi ko rin naman itinatanggi dahil isa rin akong user nito. Ngayon gusto ko lang ibahagi ang mga makukulay na uri ng FB user dito haha.. Una ang isa sa pinaka paborito ko ay yung mga "Jimmy Santos" ang tindi mag english nito pre! hahaha.. Minsan kasi kung di naman talaga kaya o di sigurado e wag nalang ipilit, masakit sa ulo e hahaha.. imbes na nosebleed e eyes bleed ang nangyayari sa mga nakakabasa. Minsan ilagay din natin sa lugar at maging totoo nalang o kaya mag Google pag may time, meron din namang Google translate pag di sigurado o nag aalangan sa english hehehe, pero kung di talaga ubra mas effective na mag tagalog nalang kesa pag piyestahan, pagusapan at pagtawanan ka sa chat ng mga kakilala mo. Ako hindi ako ganun kahusay sa english minsan nga pag alangan ako e hindi ko nalang itinutuloy hahaha mas ok parin kasi ang magpaka totoo nalang. Pangalawa sa paborito ko e yung mga T.H. o tamang hinala hehehe.. sila yung tipong hindi mapakali kasi akala nila sila yung tinutukoy sa status mo. Kadalasan na nagiging issue ito na nauuwi pa sa tampuhan at away. Isang status na naglalaman ng patama, isang dosena ang magre-react at mauuwi sa hinala. Pangatlo ang mga "I was here" yung mga taong kahit saan mag punta e ipinapakita pa sa facebook na nasa ganito sila, sa ganyan tapos may picture pa. Tsk, kung magnanakaw ako at miyembro ng budol-budol gang e yari na kayo sa akin! ang gagawin ko e pupunta ako sa mga bahay nyo at sasabihing naaksidente kayong lahat, ganito ang suot nyo, kung sino sino kayo at kung saan kayo nagpunta! hehehehe.. isip isip din hindi kailangang ipasikat kung nakain ka sa ganito o nagsha-shopping ka sa ganyan. mas ok parin ang private life lang at tahimik. Anyway marami pa sana ako gustong ipakilala kaso nakaka tamad na hehe.. Meron tayo dyang mga "Pa-Celebrity", "Rambo", "Food Expert", "Movie Critics" at mga "Spoilers" sa totoo lang marami pang iba! at sa tingin ko alam nyo na kung anu-ano pa yung mga yun. Pahinga din minsan sa FB, marami kang pwedeng gawin outside the internet world na magpapasaya sayo. Ayun lang..

Sigurado ako na may isa sa inyong nakabasa at nag akalang ikaw ang tinutukoy ko! hahahaha...


Tiis lang...

Gabi ang simula ng trabaho ko noon  hangang umaga kaya kadalasan pag uwi ko sa bahay ay napakahirap ng matulog lalo na pag patirik na ang araw sa oras ng pahinga mo, minsan tinatanong ko ang sarili ko, "bakit nga ba ako nagti-tiyaga sa ganitong linya ng trabaho?" samantalang maganda naman ang karera ko sa larangan na tinapos ko ng limang taon sa aking kolehiyo. Tumatanda na nga talaga ako, minsan mabilis nalang makuntento sa kung ano nalang ang meron, madali at praktikal. Naranasan ko ng kumita ng malaki, mabugbog sa trabaho at bumiyahe ng malayo at pilitin nalang na matulog pagkauwi ng bahay dahil sa sobrang pagod, oo nga at malaki ang kita ngunit hindi naman nabubuhay ng masaya. Ipinagpalit ko ang lahat ng iyon sa trabaho ko ngayon na hindi kalakihan ang sweldo, pero malapit sa inuuwian ko at ang pinaka mahalaga dun ay ang mas maraming oras para sa anak ko, pamilya at mga hilig, mas malayang nagagawa ang mga gusto at kahit sagarin ang oras hangang madaling araw, nagigising sa bagong araw ng may ngiti sa mga mata. Ang laki ang pagkakaiba, nangangahulugan lang na hindi lang pera ang makakapag papasaya sa tao kundi ang pagiging simple at kuntento sa buhay na pinili nito. May ambisyon ako, oo! pero hindi ko hinahayaan na lamunin ako nito dahil kadalasan hindi maganda ang nagiging resulta, mas napapa-sama pa nga minsan dahil sa paghahangad nito marami ang nasasagasaan at nasasaktan. Hangad ko ang magandang buhay lalo na sa kinabukasan ng aking anak, kaya't kahit hindi gaano ka komplikado ang ginagawa ko sa trabaho ay pinag iigihan ko ito dahil sa ngayon ito ang bumubuhay sa amin at sumasagot sa mga gastusin.

Ingatan natin ang kahit anong propesyon na meron tayo pati ang mga bagay na nakakaganda at nakakatulong sa atin, balang araw unti unti rin tayong makakabalik sa itaas na dati nating naakyat at kinahulugan. Kapit lang, basta may tiyaga palaging may nilaga! Tiis lang... ^_^

Ops! mahaba haba na itong naisulat ko sa oras mismo ng aking trabaho hehehe, ngayon kukunin ko naman ang aking break upang makapag nilay-nilay at kumuha ng magandang... zzzzzZZzzzz....

Nang makita ko ang picture na ito, napatawa ako siguro nga kasi nakaka relate ako at siguradong sa-sang-ayon din ang mga tao, kaibigan at katrabaho na nakasama ko sa dating account ko.

Patas lang...

Susubukan ko ulit magsulat, matagal tagal narin mula ng ihinto ko ang pagba-blog nakaka-miss din pala. Minsan may mga bagay na gusto mo nalang isulat kesa sabihin kasi iniisip mo na baka hindi ka rin maintindihan at dahil sa panghihinayang na yun napagdesisyunan mo ngang mabuti pa nga na ilathala nalang sa mga ganitong sulatin ang mga bagay-bagay na tulad nito. Mas mainam no? kesa sumakit pa ang ulo ng kausap mo. Nakaka bobo rin, kahit pa sabihin mong malawak ka mag isip. Minsan nakakalimutan natin ang pagkakaiba ng naranasan at pinagdadaanan, nawawala tayo ng literal sa mundo na dapat nating ginagalawan ng normal. Naghahalo ang pantasya, panaginip, pangitain at realidad alam ko naguguluhan ka din, kasama na sa pagiging tao natin yan ang magtaka, magtanong at magdesisyon ng walang kasiguraduhan. Bakit ako nagsulat ulit? simple lang, gusto ko lang ulit tanungin ang mga kasagutan na hindi kayang sagutin ng tanong at ang gumawa ulit ng wala para lamang may magawa. Oo masakit sa ulo ang unang naisulat ko pero alam kong maiintindihan din ito ng magulong utak mo. kung hindi mo ito masakyan simple lang din yan, wag mo itong basahin at bumalik ka nalang sa mga pinagkaka abalahan mo, kaso nga lang umabot ka sa parteng ito kasi wala ka ring magawa ngayon kaya natapos mo itong isinulat ko, tama ba? Patas lang.. ^_^